Dear Ate Charo,
Tahimik lang ako,
pero bumubuhos sa loob.
Walang ulan, pero bawat gabi,
may bagyong hindi naririnig ng kahit sino.
Minsan iniisip ko,
baka ako mismo ang kulog na kinatatakutan ko.
O baka ako na lang din
ang bahay ng mga nasalanta —
napipilitang magsimulang muli.
Kalmado naman kami noong una, Ate Charo.
Masaya, at malambing pa nga sa isa’t isa.
Kasing-init ng araw ang pagmamahal,
at kasing-liwanag nito and ngiti
at saya naming dalawa —
hindi lang sa mga labi,
kundi hanggang sa aming mga puso.
Mainit at kalmado ang lahat,
parang walang masamang mangyayari…
hanggang sa dumating ang balita —
may paparating na bagyo
sa aming dalawa.
Nagsimulang umihip ang hangin,
at unti-unti nang bumulong
ang kulog at kidlat.
Mga kulog ng sigawan,
at mga kidlat ng galit
ang naghari sa amin, Ate Charo,
hanggang sa bumuhos
ang ulan ng mga salitang
hindi na naming mababawi.
Sa kasagsagan nito,
mas pinili naming lumayo sa isa’t isa.
Ngunit tulad ng bagyo,
wala akong magawa
kundi maghintay
na ito ay humupa.
Hanggang sa ang ulan
ay naging ambon —
pagod na ang langit sa pag-iyak,
tulad ng aming mga mata.
Payapa na ang paligid,
pero basa pa ang lupa.
Wala nang kulog, wala nang kidlat.
Pwede na ulit kaming lumabas
para suriin ang pinsala —
tahimik, pero iba na ang mundo.
Pwede nang ngumiti,
kahit may sugat pa rin ang mga puso.
Sapagkat kahit tahimik na,
may ulan pa rin sa alaala.