Dear Ate Charo,

Ang liham na ito ay isinulat ko sa anyo ng tula.

Ang tulang ito ay damdamin ng puso
na isinulat gamit ang pluma.

Naalala ko noong unang beses niyang sinabing mahal niya ako,
ay talaga namang ako ay natigilan.

Napaisip ako:
Paano niya nasasambit ang mga salitang “mahal kita”?

Alam mo ba ang ibig sabihin niyan?

Ibig sabihin ay kailangan mong mahalin ang ako
yung ako na puno ng pagdududa,
yung ako na puno ng pag-aalinlangan sa sarili,
at yung ako na may malalim na sugat ng pagkabata.

Matapos ko siyang tanungin,
ay sinabi ko sa aking sarili:
Kung kaya niyang mahalin ang sugatang ako,
iaalay ko sa kanya ang aking buhay.

Ibibigay ko sa kanya ang pag-ibig
na hindi ko naibigay sa aking sarili.

At simula noon,
ay umapaw na ang aking pag-ibig para sa kanya.

Ganito pala, Ate Charo, ang magmahal nang buo —
yung tipong hindi mo na iisipin kung may matitira sa’yo,
dahil buong akala mo ay umaapaw nga;
eh paano ito mauubos?

Hanggang dumating yung oras na hindi na sapat ang pagmamahal,
na kahit umaapaw pa ito ay wala na itong mapaglagyan.

Dahil sa puro pagmamahal ko,
ay hindi ko nakita na ang lalagyan niya ay nabutas.

Nabutas ng pagdududa,
pagkasakal,
at mga problema.

Sinamahan pa ng mga responsibilidad
at mga hamon sa buhay.

Hanggang sa sinabi niyang:
“Ang pagmamahal mo na dati kong pahinga,
ang pagmamahal mo na dati kong sandalan,
ang pagmamahal mo na dati ay kaya kong suklian…
ay hindi ko na kailangan.”

“Gusto ko nang maging malaya.
Gusto ko na ng utak na mapayapa.”

“Bibitawan ko na… bibitawan na kita.
Ayoko na!”

Ang sabi ko naman, Ate Charo:
Paano na yung pagmamahal ko?
Kanino ko na siya iaalay?
Sa aking sarili?

Paano na ang mga pangarap natin?
Hindi ba ang nagmamahal ay hindi basta-basta bumibitaw?

Depende sa tipo ng paghawak —
kung sa kamay, maaari;
pero yung pagmamahal mo, nilagay mo sa aking leeg.

Nakalimutan mo yata
na ang taong tumatanggap ng pagmamahal ay dapat nakakahinga,
ang tumatanggap ng pagmamahal ay dapat masaya,
at ang nagmamahal naman ay dapat marunong magpalaya.

Hanggang dito na lang ang liham ko sa anyo ng tula, Ate Charo —
tulad ng pag-ibig namin:
natuldukan, natapos,
nang wala man lang patawaran.

Umalis na siya at ako ay naiwan dito.

Pero sa pagkakataong ito,
ang umaapaw kong pag-ibig
ay iaalay ko naman sa aking sarili —

baon ang mga bagay na aking natutunan
noong ako ay nagmahal nang lubusan