Peklat

May mga bituin
na tumubo sa mga peklat ko—
bawat sugat
nagkaroon ng sariling liwanag.

Ganito pala ang paghilom:
hindi nawawala ang marka,
nagiging langit.

Ngayon,
may mga bituin na sa mga sugat ko—
hindi na ako natatakot sa dilim.

Kahit puno ng peklat,
kaya ko nang magbigay
ng liwanag sa iba.

At dahil lumiliwanag na ako,
hindi na ako babalik sa dilim.
Kaya ko nang bumangon
mula sa ating mga alaala—
hindi para iwanan ito,
kundi para harapin
gamit ang sarili kong liwanag.

Hindi na rin ako kinakain ng buwan—
liwanag na lang ang inaabot niya ngayon.
Kaya ko na siyang tignan
sa gabi,
na wala ka sa isip ko.
Hindi ko na siya kinakausap
ng parang baliw—
hindi tulad ng dati,
na kahit magpalit-palit siya ng anyo,
iisa lang ang takbo
ng aking kwento.

Pati mga unan ko, bago na.
Hindi na sila basa.
Maayos na ang kama,
at isa na lang ang upuan sa mesa.
Hindi na ito naghihintay
ng pagdating mo,
at tuwing hapunan,
isa na lang ang aking hinuhugasan.

Tahimik na ang mga dingding—
hindi na nila tinatawag
ang pangalan mo.
Pag-asa na ang sigaw nila,
dahil pati sila ay natuto:
sa apat na sulok na ito,
ako na lang ang naiwan—
at ayos lang.

Hindi na rin nakakasilaw
ang umagang dati kong iniiwasan.
Kaya ko nang bumangon muli.

Mas maliwanag ang araw ngayon—
tila ipinapaalala sa akin
na hindi laging sugat
ang nakaraan.
May magagandang alaala rin,
pero hanggang doon na lang sila.

May bukas pa pala akong hindi mo bahagi—
at kayang-kaya ko itong harapin.

At sa huli,
hindi ikaw ang iniwan ko—
kundi yung sarili kong nasaktan
habang hinahabol ka.
Ngayon,
hinayaan ko siyang huminga,
lumakas,
at hanapin ang liwanag
na kaya niyang gawin mag-isa.