Dear Ate Charo,
Isa na namang liham sa anyo ng tula
ang aking isinulat —
tungkol pa rin sa wagas na pag-ibig,
pero para naman sa aking anak.
Nagsisimula itong tula na ito sa patawad.
Patawad,
dahil kahit buong-buo ang pagmamahal ko sa’yo,
ay hindi kita nagawang bigyan
ng buong pamilya.
Hindi dahil sa ayaw namin ng Mama mo,
kundi dahil sa kahit anong pilit naming
ibalik ang tiwala namin sa isa’t isa,
ay talagang wala na.
Huwag ka sanang mag-isip
na may nagtaksil sa aming dalawa.
Wala.
Masasabi kong may isang panahon sa aming buhay
na kaming dalawa ng Mama mo
ay nagmahalan nang tunay.
Sa totoo lang,
habang sinusulat ko ’to para sa’yo, anak,
ay mahal ko pa rin ang Mama mo.
Pero hindi ito tungkol sa aming dalawa.
Tungkol ito sa paghingi ko sa’yo ng tawad,
dahil ’yung dati kong mga yakap
ay ngayon napalitan na ng tawag.
’Yung halik ko sa’yo sa noo
ay napalitan na ng halik
na lumilipad na lamang
mula sa puso ko.
Kung dati ang namamagitan sa’tin
ay iPad at mga laruan mo,
ngayon ay mga bansa na.
Mahal kita, anak.
Wala nang linyang mas lalalim,
dahil ang salitang “Mahal kita, anak”
ay laging galing sa puso ng Papa.
Sinubukan naming bigyan ka ng buong pamilya,
pero hindi namin nagawa.
Pero mamahalin ka namin ng Mama mo —
kahit di na tayo magkakasama.
At lagi mong tandaan
na mahal na mahal ka ni Papa.
Anumang layo, anak,
ay aabutin ka pa rin ng pagmamahal ko.
Kahit anong panahon,
andito lang para sa’yo si Papa.
Darating din ang araw
na hindi na bansa ang ating pagitan.
Mahahalikan ulit kita sa noo,
at mararamdaman mo ulit
ang mga yakap ko.
Mahal na mahal kita, anak.