Dear Ate Charo,
ginagawa kong sinehan ang isip ko tuwing gabi.
Palagi yung scene na nasaktan ako—
kinalimutan ko yung popcorn.
Kasi sa dulo,
lagi akong nag-iisa sa screening.
Wala namang ibang nanonood,
pero puno ng sigaw ang buong kwarto.
Hindi ko alam kung movie ba ’to,
o trauma lang na paulit-ulit pinapalabas.
Pero isang bagay ang sigurado, Ate Charo:
ako rin ang director,
ako rin ang bida,
ako rin ang nasaktan,
at ako rin ang hindi makaalis sa upuan.
Minsan nga, Ate Charo, naisip ko:
Ako naman ang director—
pero bakit ganito ang takbo ng pelikula?
Bakit parang sinulat
para magkasakitan
ang tampok na tauhan
at ang irog niya?
At bakit sa bawat eksena,
laging malungkot ang musika—
parang kahit anong gawin namin,
iyak at sigaw ang script na sinusundan?
Nasa kasukdulan na kami ng pelikulang ito—
yung parte kung saan
pinakamabigat ang dibdib ng mga bida,
at para bang gusto nang maglayo
sa pag-igting ng aming kuwento.
Gusto niya laging lumayo habang tumitindi ang eksena,
habang ako naman ay
hinihila ko siyang pabalik sa ’kin.
Hindi mapapagod ang puso ko
kahit ang sa kanya ay pagod na.
Hali ka dito kung gusto mong magpahinga
at ayusin natin kung ano man ang problema—
para naman maramdaman ko
na sa eksenang ito
hindi ako lumalaban mag-isa.
Ako rin naman yung direktor,
pero siya yung pumipili
kung kailan matatapos ang eksena.
Para siyang artistang
palaging umaalis kahit oras na ng taping.
Wala kaming natatapos—
puro retake,
puro subok,
puro ayos ng pelikula naming dalawa.
Pero pipiliin ko pa rin siyang mahalin,
kahit ako yung laging nasusugatan sa script.
Kahit hindi ko alam
kung saan ko itututok yung camera.
Kahit makailang retake.
At kung kailangan niya talagang lumayo, Ate Charo,
hahayaang kong tumakbo siya palabas ng eksena—
kahit ako ang maiwang walang kamera,
walang script,
at walang dahilan para ngumiti.