Dear Ate Charo,

Ang ganda niya.
At kung tatanungin mo ako
kung paano ko ito ilalarawan,
hindi ko gagamitin ang rosas,
ang araw, ulap, ginto,
o alin mang magagandang bagay sa mundo.

Sa halip,
ilalarawan ko siya
na parang isang maniniktik —
nakasunod kahit saan ako magpunta:
sa daan, sa sasakyan,
sa opisina.

Binubulungan ako nito,
sinasabing, “Titigan mo siya. Ang ganda niya.”

Hindi ako nito pinapatahimik.
Kahit bago ako matulog,
pinapaalala sa akin ng maniniktik
na ang ganda niya.

Pag gising sa umaga,
papasok siya —
para gisingin ako,
para sabihin muli
na ang ganda niya.

Madalas ako nitong ginagambala, Ate Charo,
pero siya 'yung uri ng gambala
na ayaw kong pigilan —
ang gambala na purong katotohanan.

Ayoko itong kalimutan, Ate Charo.
At kapag nasa harap ko siya,
at ang nasa gilid ko ay ang maniniktik,
ay walang mintis ko sa kanya itong pinapaalala —
dahil ayaw kong mabuhay siya sa mundong
hindi niya alam
na siya ay maganda.