Debosyon
Hindi ka dumating na parang tao—
dumating ka na parang panalangin,
at mula noon,
ang puso ko ay naging altar
na ikaw lang ang sinasamba.
At sa bawat pagbanggit ko ng iyong pangalan,
tila may kandilang kusang nagsisindi
sa loob ng aking dibdib—
liwanag na hindi ko kayang patayin
kahit pumikit ako sa dilim.
Ganito pala ang pagsamba—
puno ng sakripisyo.
Ako ang alay,
ako rin ang sumasamba,
ako lang din
ang nagmamahal.
Ano pa ba ang kulang sa debosyon ko
at bakit hindi ka sumasagot?
Bakit hindi matupad
ang panalangin ko
na maging tayo?
Kulang pa ba ang alay?
Kulang pa ba
kung sarili ko na
ang iaalay ko?
At doon ko unti-unting naunawaan
na ang katahimikan mo
ay hindi pagsubok—
kundi sagot
na matagal ko nang ayaw marinig.
Pagod na ang tuhod sa pagluhod,
nangalay na ang mga kamay.
Wala pa ring “oo” na dumating,
at nabulok na rin ang alay.
Hindi na pala sapat
ang pagsamba—
at hindi lahat ng dasal
ay may “oo” na sagot.
At sa wakas,
tumigil ako sa pagdarasal—
hindi dahil wala na akong pananampalataya,
kundi dahil natuto akong
mahalin
ang sarili kong kaluluwa.