Halos

May mga pag-ibig palang
nabubuhay sa pagitan
ng halos at hindi—
doon tayo nanatili,
magkalapit ang mga puso,
pero hindi kailanman naging tayo.

Hindi ko nga alam kung ano ba talaga ang nabuo,
basta ang alam ko lang
malalim ang dating mayroon tayo.

Ramdam mo rin naman, ’di ba?
Siguradong hindi lang ako—
pareho nating pinigilan
ang isang bagay na puwedeng mabuo.

Halos ’di tayo mapaghiwalay—
akala nga ng iba, may tayo.
Sana nga tama na lang
ang akala nila;
ibang tula sana
ang sinusulat ko ngayon para sa’yo.

Naalala mo ba noong unang beses kang
nagbukas ng damdamin sa harap ko—
nang umiyak ka dahil sa pagdadalamhati mo?

Malungkot ang iyong kuwento,
pero nagliliwanag para sa akin
ang iyong mga nagdadalamhating mata.

Mula noon,
lagi mo nang ikinukuwento ang iyong buhay—
nakilala ko ang mga karakter
ng iyong nakaraan,
kasalukuyan,
at ang mga plano mong hinaharap.

Palalim nang palalim
kada araw ang ating mga usapan,
hanggang sa sinabi mong:

“Salamat at nakilala kita.
Hinubog ako ng ating mga kuwentuhan.
Mas naging bukás ako sa mundo,
lalo na sa pag-ibig.

Ang dating inakay
ay naging ibon
na marunong nang lumipad
sa malawak na himpapawid.”

At doon ko napagtanto
na hindi lahat ng pag-ibig
ay kailangang maging atin—
minsan sapat na
na naging bahagi tayo
ng pagbabago ng isa’t isa.

Hanggang sa ang tadhana
ay tinapos na ang ating kuwento—
hindi na ako ngayon
ang kasama mo.

Pero masaya pa rin ako,
dahil ako ang nagbigay
ng iyong mga pakpak,
kapalit ng mga alaala
na baon-baon ko.

Salamat sa’yo.
Mahal kita, sa malayo.