Tupi

May mga libro talagang
kahit gaano mo kaingat-ingatan,
darating ang panahong
matutupi rin sa kung saan.

At kahit ilang beses mo pa itong
ituwid gamit ang mga palad,
may mga guhit talagang
natututong manatili.

May mga pahina rin dito
tungkol sa ating nakaraan—
sa mga araw na pinili natin ang isa’t isa,
sa kasalukuyang pilit pa rin nating binubuo,
at sa hinaharap na minsan nating isinulat
na parang sigurado.

Pero may mga pahina ring
hanggang ngayon
ayoko pa ring mabuklat.

Kung puwede lang sana,
na hindi na naisama
ang kabanatang iyon
sa ating libro.

Tayo ang mga may-akda nito,
pero wala tayong kakayahang
baguhin ang mga naisulat
at nalimbag na.

Mahal kita.
Mahal na mahal kita.

Gusto ko pa ring
ituloy ang kuwento nating dalawa,
at bilang isa sa mga sumulat nito,
pinili pa rin kitang makasama.

Habang mag-isa kong
pinipiling lampasan
ang mga pahinang masakit balikan.

Siguro may mga kuwento talagang
kahit sabay isinulat,
may mga bahagi pa ring
iisa lang ang nagdurusa
sa bawat pagbasa.

Pero dahil dalawa tayong may-akda,
at pinili nating muling magsulat
nang magkasama—

handa akong isara
ang kabanatang iyon—
hindi para kalimutan,
kundi para kasama ka ulit
gumawa ng mga bagong pahina.

Pero sa pagkakataong ito,
sana unawain mo
kung bakit minsan...

bawat pahina natin
isinusulat ko
na parang may kinakatakutan.