Pitik

May mga gabi lang
na mas mahaba kaysa dati,
at mga umagang
marunong nang magpatawad,
pero hindi pa marunong makalimot.

Minsan, sa mga gabing iyon,
bumabalik pa rin sa alaala,
tila sunod-sunod na pitik ng kamera—
mga larawang may dalang sakit.

Kada pitik,
may mga tanong
at masasakit na litratong
kusang nade-develop.

Inilagay ko ito sa isang picture frame,
at araw-araw ko itong nakikita.

Araw-araw ako nitong minumulto,
tinatakot na baka isang araw
may shoot na naman—
at pareho na naman ang tema.

Hindi pala lahat ng litrato ay masaya;
ang iba’y may dalang sakit at trauma.

Nag-umaga na—mga alas-nuebe
nang magbukas ang studio.
Dumating ang isang matagal ko nang kliyente.

May dala siyang album, sabi niya sa akin,
mga litratong kuha ko mula pa
noong Taóng Dalawang Libo at Labimpito.

Masasaya
at masidhing pag-ibig
ang tema.

Unang litrato sa album—
dalawang magkaibigan sa kolehiyo,
magkaiba ng mundo
pero masaya.

Sa pagbubuklat-buklat ko ng mga pahina,
nakita ko sa gitna
na tila ang magkaibigan
ay naging magkasintahan na.

Nagpatuloy ako sa pagbuklat,
hanggang sa makita kong
ang magkasintahan
ay may sarili nang pamilya.

Binuklat ko pa hanggang sa dulo;
medyo lumalayo na
sa mga larawan ng kanilang pamilya.

Napansin ko
na sa album na iyon,
may mga shoot pala kami
na hindi sila magkasama.

Doon ko napagtanto—
hindi pala bago ang mga larawang iyon.
Sila rin ang mga mukhang
matagal nang bumibisita
sa mahahabang gabi.

Tahimik na ang lahat,
pero may mga larawan
na marunong manatili.