Possession

Sabi nila malayo ka na raw,
nasa kabilang dulo ng mundo.
Pero tuwing madaling-araw,
may yabag akong naririnig
sa loob ng alaala ko—
parang may espiritung ayaw umalis
kahit sarado na ang lahat ng pinto.

Noong una, hindi ko ito pinansin—
baka namamalikmata lang ako,
sabi ko sa sarili.
Pero nang magparamdam ka,
biglang kinilabutan ang puso ko,
parang may malamig na kamay
na marahang humawak
sa dibdib ko.

Sa pangalawang gabi,
dumalang ka ulit.
Sa pagkakataong ito,
ang amoy mo naman
ang bumalot sa buong kwarto—
isang halimuyak na alam kong
hindi na galing sa mundong ito.

At mula noon,
ang multo mo na
ang naging mundo ko.

Pangatlong gabi,
may bumulong sa tenga ko.
Ramdam ko ang kilabot—
nagsitayuan ang lahat ng balahibo ko.

Tinanong kita,

"Sino ka?
Bakit ka nandito?
Bahay ko ito—
wala kang karapatang pumasok
nang wala ang pahintulot ko."

Pang-apat na gabi,
nagising ako
sa tunog ng pagbukas ng pinto.

Biglang nagbukas-sindi ang mga ilaw—
grabe ang paramdam mo.
Takot ang namutawi sa puso ko.

Bakit ba labas-pasok ka
sa tahanan ko?
Sanay akong mag-isa.
Hindi kita kailangan sa buhay ko.

Ikalimang gabi,
nagparamdam ka muli.

"Tulungan mo ako,"
sabi mo,
sabay iyak.

Kinilabutan ako,
pero naglakas-loob akong kausapin ka.

Tinanong kita,

"Bakit mo ba ako ginagambala?
Paano ako—isang buhay—
ang tutulong sa multong tulad mo?"

Tumabi ka sa akin,
at dama ko ang lamig
ng iyong katawan.

Duguan ka—
may malalim na laslas sa pulso.

Doon mo inamin
kung paano ka yumao
noong iniwan ka ng kasintahan mo.

Pero normal lang naman iyon,
hindi ba?

Ang iwanan ng mahal mo—
lalo na kapag wala na
ang pag-ibig na dumadaloy
sa inyong mga puso.

"Sumama siya sa iba,"
sabi mo.

Tinapon niya ang pitong taon
na sabay ninyong binuo.

At isang gabi,
hindi mo na kinaya—
kaya tinapos mo
ang sarili mong buhay.

Ikaanim na gabi,
pinahintulutan na kitang manatili.

Unti-unti kong nakilala
ang iyong espiritu—
kung sino ka noong nabubuhay ka pa.

Paulit-ulit ang iyong pagpaparamdam,
at gabi-gabi na rin
ang ating pagkikita.

Sabi nga ng kaibigan ko sa akin,

"Nahihibang ka na ba?
Baka nahuhulog ka na
sa espiritung iyan.
Paano kung sabihin niyang sumama ka—
sasama ka ba?"

Wala na bang pag-ibig
sa buhay ko,
kaya sa patay na ako napunta?

Hanggang sa dumating
ang mga gabing
hindi ko na mabilang,

ang multong dati kong kinakatakutan
ay siya na ring minahal ko.

Hindi lang magkabilang mundo,
kundi magkabilang buhay
ang ating pagitan.

Hanggang sa isang gabi,
nagpaalam ka.

Sabi mo,

"Ito na ang huling araw
ng aking pagpaparamdam.
Mahal din kita,
pero hindi ko na kaya
ang ating pagitan."

Nagmakaawa ako.

"’Wag kang lumayo.
Mahal na kita—
ibibigay ko nang buo ang sarili ko,
kahit multo ka.

Kahit buhay ko
ay sa iyo na.
Sumapi ka sa akin, pakiusap—
kahit buhay ko ang kapalit,
basta mabuhay ka
at lagi kitang makasama."

Hanggang sa isang gabi,
hindi ka na nagparamdam.

Ang multong kinahumalingan ko
ay hindi ko na mahalikan.

Umalis ka na talaga—
at hindi na muling nagpakita.

Masakit din pala ang pag-alis,
kahit may paalam.